Author Archives: teresadebuque

Sama-sama tayo sa paglaban sa pandemyang pambihira at minsan-lang-kung-dumating

Sinulat ni Antonio Guterres, 3 April 2020

Kailangang sama-sama nating harapin ang pandemyang COVID-19 at lahat ng mapanirang resulta nito. Sa birtuwal na pagpupulong nitong Huwebes, gumawa ng mga tamang hakbang ang G20. Ngunit malayo pa tayo sa pagkakaroon ng tugma at malinaw na pandaigidigang tugon na nababagay sa kinakaharap nating walang kahalintulad sa kabigatan at kalakhan.

Malayo pa ang ating tatahakin upang masawata ang pag-akyat ng impeksyon. Noong umpisa, 67 araw ang dumaan bago nahawa ang 100,000 katao; sa mga susunod na araw, ganitong dami ng tao at higit pa ang mahahawa sa bawat araw na daraan. Kung di natin lalakasan ang ating loob at kung di tayo kikilos nang sabay-sabay, ang bilang ng mga kaso ay halos siguradong aakyat sa milyong dami, at magreresulta sa pagkawasak ng mga sistemang pangkalusugan, pagbagsak ng mga ekonomiya, at kawalang-pagasa ng mga tao, lalo’t lalo na ng mahihirap.

Kailangan tayong maghanda para sa pinakamalubhang senaryo, at gawin ang lahat ng magagawa upang maiwasan ito. Heto ang aking tatlong-puntong panawagan sa pagkilos—base sa syensya, pagkakaisa at polisiyang akma.

Una, pigilan ang pagkalat ng coronavirus.

Nangangailangan ito ng agresibo at agarang pagsusuri at contact tracing, kaakibat ng kwarantin, gamutan, at mga pamamaraan upang mapangalagaan ang mga rumirisponde, kasama ng mga hakbang upang limitahan ang galaw at pagsalamuha ng mga tao. Nakagugulo man sa ating buhay, ang mga paraang ito ay dapat gawin nang walang-humpay hanggang makahanap tayo ng bakuna at lunas.

Higit na mahalaga, ang matatag at pinag-isang pagpapagal na ito ay dapat patuloy na gabayan ng World Health Organization, na kabahagi ng pamilya ng United Nations. Ang mga bansang magkakanya-kanya – para sa kanilang mga mamamayan—ay hindi makakatulong na makamit ang ninanasa nating lahat.

Ikalawa, harapin ang nakakawasak na epekto ng krisis na ito sa ating lipunan at ekonomiya.

Ang virus na ito ay kumakalat na parang walang-humpay na apoy. Malamang na ito’y patungo na sa Global South, kung saan ang mga sistemang pangkalusugan ay hirap at kulang, ang mga tao ay bulnerable, at milyon-milyon ang naninirahan nang magkakadikit sa mga iskwateran, kasama ang mga bakwit at refugees. Sa ganitong kundisyon, madaliang mawawasak ng virus ang mga bansang umuunlad at muling babalik ito kung saan ito nagmula. Sa ating magkakadugtong na mundo, tayo ay sinlakas lamang ng ating pinakamahinang sistema na pangkalusugan.

Malinaw na dapat nating labanan ang virus alang-alang sa buong sangkatauhan, lalo na para sa mga mas higit na apektado tulad ng kababaihan, mga may-edad, mga bata, manggagawang mababa ang sahod, mga maliit at medium na negosyo, ang impormal na sektor, at iba pang bulnerableng mga grupo.

Katatapos lang magpalabas ang United Nations ng mga ulat na nagpapakita kung paanong ang pagkahawa ay di lang sa mga tao kundi, ngayon, pati sa mga ekonomiya na rin. Idineklara ng International Monetary Fund na tayo ay pumasok na sa recession, na sing-lala o higit pa ng naranasan natin noong 2009.

Kinakailangan natin ng komprehensibo at multilateral na pagtugon sa halagang doble-puntong porsiyento ng pandaigdigang Gross Domestic Product.

Ginagawa na ito ng ilang mga maunlad na bansa. Subalit kailangan ng mas higit pang karagdagan na ayuda para sa umuunlad na mga bansa sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kapasidan ng IMF, halimbawa sa pagpapalabas ng special drawing rights. Ito rin ang kinakailangan ng iba pang international financial institutions upang mabilisan nilang mabigyan ng ayuda ang mga nagangailangang bansa. Alam ko na ito ay hindi madaling gawin, lalo na’t napakalaki na ng gastusing lokal ng mga bansa. Subalit mapupunta sa wala ang gastusing ito kung di natin maaapula ang virus.

Magkakatugmang palitan (swaps) sa pagitan ng mga bangko sentral ay makadadagdag ng liquidity sa mga umaangat na ekonomiya. Pagpapaliban sa pagbabayad-utang ay isa pang prayoridad—kabilang na ang kagyat na waiver sa mga interest payment para sa 2020.

Ikatlo, bumangon tayo upang maging mas maigi sa dati.

Hindi tayo maaaring bumalik sa dating-gawi natin bago tumama ang COVID-19, kung saan ang mga lipunan ay di handa sa krisis. Pinaalala sa atin ng pandemyang ito ang pinagbabayaran natin dahil sa kahinaan ng ating sistemang pangkalausugan, proteksiyong panlipunan at pampublikong serbisyo. Pinalala ng pandemyang ito ang ating di-pagkakapantay-pantay, lalo na ng mga kababaihan, at inilantad ng pandemyang ito ang katotohanan na ang ating pormal na ekonomiya ay nakaatang sa paggawa na di nakikita at di binanabayaran. Ipinamukha ng pandemyang ito ang patuloy na hamon sa karapatang-pantao, kasama na dito ang stigma at karahasan laban sa kababaihan.

Ito ang panahon upang pag-ibayuhin ang ating pagsisikap na bumuo ng isang napapabilang at sustainable na mga ekonomiya at lipunan na kayang makabawi sa harap ng mga pandemya, climate change at iba pang mga hamon sa mundo. Ang pagbangon ay dapat na patungo sa ibang uri ng ekonomiya. Ang Sustainable Development Goals ay nananatiling gabay natin sa pagunlad.

Ang United Nations ay lubos ang kahandaan: upang suportahan ang mga bansa sa kanilang pagtugon sa COVID-19, upang ipagamit ang aming supply chains sa mga bansa; at upang umapela para sa pandaigdigang tigil-putukan.

Ang pagwawakas sa pandemya sa lahat ng sulok ng mundo ay naayon sa kabutihang asal at maging sa pansariling interes. Sa pambihirang panahong ito, hindi maaaring magkasya tayo sa dati nating mga gawi. Nangangailan ng pambihirang mga patakaran ang pambihirang panahon na ito. Nahaharap tayo sa napakalaking pagsubok, na nangangailangan ng desidido, magkakatugma at makabagong pagkilos mula sa lahat, para sa lahat.

Si António Guterres ang Secretary-General ng United Nations

 

Mensahe ng UN Secretary-General Para sa Earth Hour, ika-28 ng Marso, taong 2020

 

Larawan hango sa WWF/Manila Bulletin

Ang krisis sa klima ay isang malinaw at pangkasalukuyang panganib.

Ngunit kaya nating mag-ambag upang pangalagaan ang ating mundo.

Ipinagmamalaki ng United Nations na maging bahagi ng pandaigdigang pagsunod sa Earth Hour.

Ang Earth Hour ay isang pagpapaala na kahit na maliliit na pagbabago ay may maitutulong.

Kaya’t samahan niyo ako at lahat ng mga tao saanman na patayin ang ating mga ilaw sa Sabado, ika-28 ng Marso, lokal na oras.

Ang Earth Hour ay para sa mundo.

Sa pamamagitan ng pagpatay sa inyong mga ilaw, maiilawan ninyo ang higit na mahalagang pangangailangan na umaksyon para sa klima.

Ipakita nating lahat na tayo ay desididong pangalagann ang ating planeta–ang nag-iisang mundo nating lahat. [Nagtatapos]

Salin mula sa Ingles ni Debuque, M.

Apela ng United Nations Secretary-General Para sa Pandaigdigang Tigil-Putukan

ika-25 ng Marso taong 2020

Mangyaring panoorin ang video ng mensahe sa Youtube:

Sumusunod ang buong teksto ng apela:

Iisang kalaban ang kinakaharap ngayon ng mundo: COVID-19

Walang sinisino ang virus na ito: ano man ang iyong nasyonalidad, etnisidad, grupo, o pananampalataya. Walang humpay nitong inaatake ang lahat

Samantala, patuloy na rumaragasa ang hidwaan sa buong mundo.

Ang pinakawalang-laban—mga kababaihan at kabataan, mga taong may kapansanan, ang mga napilitang lumikas sa kanilang tahanan at komunidad—sila ang lubos na naghihirap.

Sila rin ang lubos na nanganganib na magdusa dahil sa COVD-19

Huwag nating kalimutan, na sa mga bansang winasak ng digmaan, nagsibagsakan na ang mga sistemang pangkalusugan

Ang mangilan-ngilang mga duktor, nars, at iba pang mga mangagawang pangkalusugan ay siya pang tinitira.

Ang mga refugee at bakwit na napilitang lumikas dahil sa karahasan ng hidwaan ay lalo’t higit na bulnerable.

Ang pagngangalit ng virus ay nagpapatunay sa kahangalan ng digmaan.

Kaya nga, sa araw na ito, ako ay nananawagan para sa kagyat na pandaigdigang tigil-putukan sa lahat ng sulok ng mundo

Kailangang isantabi at itigil muna ang armadong hidwaan at ituon ang ating atensyon sa tunay na laban para sa ating buhay.

Sa mga partidong naghihidwaan, ito ang nais kong sabihin sa inyo:

Itigil muna ninyo ang labanan.

Isantabi muna ang poot at kawalang-tiwala.

Patahimikin muna ang mga armas; itigil ang artilerya; at wakasan ang mga airstrike.

Ito ay lubhang mahalaga…

Upang makarating ang ayudang pansagip-buhay.

Upang makapagumpisa muli ang diplomasya.

Upang makapagbigay-pagasa sa mga lugar na higit na bulnerable sa COVID-19.

Nawa’y makakuha tayo ng inspirasyon sa mga pagtitipon at dayalogong unti-unting nabubuo sa pagitan ng mga partidong magkasalungat upang magkakasamang harapin ang COVID-19. Kailangan natin ang mas marami pang tulad nito.

Tuldukan natin ang sakit ng digmaan upang ating harapin ang karamdaman na rumaragasa sa mundo.

Maguumpisa ito sa pamamagitan ng pagtitigil sa labanan sa lahat ng sulok ng daigidig. Ngayon.

Ito ang lubhang kinakailangan ng ating pangkatauhang pamilya, ngayon at higit kailan pa man. [Nagtatapos]

Salin sa Filipino: Debuque, M.

Palagiang tumutok sa mga pangyayari ukol sa COVID-19: https://www.un.org/coronavirus

The United Nations’ page on the Coronavirus disease (Covid-19)

Mensahe ng Secretary-General ng UN sa Pandaigdigang Araw para sa Tubig, 22 March 2019

Ang tubig ay mahalaga para sa buhay, at para sa pangangalaga ng kalusugan ng mga tao at ng kalikasan. Nangangailangan ng tubig ang ating katawan, mga siyudad at industriya, agrikultura at ecosystem.

Karapatan ng bawat tao ang tubig. Ito’y di dapat itanggi sa kahit kanino. Ang Pandaigdigang Araw Para sa Tubig ay inilaan para sa pagtataguyod ng karapatang ito para sa lahat.

2.1 bilyong tao ang nabubuhay nang walang malinis at ligtas na tubig dahil sa maraming dahilan: kalagayan sa buhay, kasarian, bayang pinagmulan, relihiyon at edad. Ang patuloy na lumalaking pangangailangan para sa tubig, kasama pa ng di maayos na pamamahala dito, ay dumadagdag sa kakulangan ng tubig sa maraming parte ng mundo. Nariyan pa ang epekto ng climate change. Pagsapit ng 2030, tinatayang mga 700 milyong tao sa mundo ang maapektuhan ng matinding kakulangan sa tubig.

Kailangan nating magtulong-tulong upang bigyan ng solusyon ang pandaigdigang kakulangan sa tubig at upang pagibayuhin ang ating kakayanang harapin ang tama ng climate change na makakaapekto sa pangangailangan sa tubig ng mga walang-laban sa lipunan. Ito ay mga mahalagang hakbang upang makamtan natin ang kinabukasang mapayapa at masagana. Habang tayo ay nagpapagal patungo sa pagkamit ng Sustainable Development Goals, atin sanang pahalagahan ang ating yabang katubigan at siguruhin ang patas na pamamahala dito. Ito ay kinakailangan kung ibig nating protektahan at gamitin ang yamang ito nang pangmatagalan at para sa kapakinabangan ng lahat.

[Nagtatapos]

Mensahe ng UN Secretary-General’s sa Pandaigdigang Araw Para sa Kababaihan, 8 March 2019

Ang pagkakapantay-pantay nang walang pagtatangi ayon sa kasarian, at ang mga karapatan ng kababaihan ay pangunahin sa pagtamo ng pag-unlad sa larangan ng kapayapaan at seguridad, karapatang pantao, at sustainable development.

Sa nakaraang dekada, nagkaroon na ng pagbabago at pag-unlad sa karapatan ng kababaihan at pamumuno sa ilang larangan. Subalit ang mga pakinabang na ito ay di pa kumpleto o pare-pareho sa lahat ng lugar. Matinding sumasalungat na nga ang patriyarka dito.

Ang pagkakapantay-pantay ayon sa kasarian ay problema na may kinalaman sa kapangyarihan. Ang ating mundo ay pinamumunuan pa rin ng kalalakihan. Kailangang tignan natin ang karapatan ng kababaihan bilang layunin ng lahat; kung hindi nungkang magbabago ang sistema sa mundo.

Ang pagpaparami ng mga namumunong kababaihan ay napakahalaga. Sa United Nations, ginawa ko itong personal at kagyat na prayoridad. Ngayon, magsindami na ang kababaihan at kalalakihan na namumuno sa aming mga koponan sa mundo. Pinakamarami na ngayon ang kababaihan na namumuno sa UN. Patuloy naming palalawakin pa ang pagsulong na ito.

Gayunpaman, nahaharap pa rin ang kababaihan ng malaking balakid sa paggamit ng kapangyarihan. Ayon sa World Bank, anim na bansa lamang sa mundo ang nagbibigay ng pantay na karapatang legal sa mga larangang nakakaapekto sa kanilang hanap-buhay. At kung magpapatuloy ang ganitong patakaran, kakailanganin natin ng 170 taon upang maging pantay ang kababaihan at kalalakihan sa larangan ng ekonomiya.

Mga polisiyang nasyonalista, papyulista at paghihigpit ay nakakaragdag sa di-pagkakapantay-pantay ng mga kasarian dahil sa mga polisiya na nagbabawas sa karapatan ng kababaihan at sa mga serbisyong panlipunan. Sa ibang mga bansa, habang nababawasan ang pagpatay sa tao, nadaragdagan naman ang bilang nga mga babaeng napapatay.

Sa ilang mga bansa, nakikita natin ang pagbawi sa mga legal na proteksyon laban sa karahasan sa tahanan o sa female genital mutilation.

Alam natin na ang pakikilahok ng kababaihan ay nagpapatibay sa mga kasunduang pangkapayapaan. Gayunpaman kahit mga pamahalaan na tahasang sumusuporta dito ay puro salita, kulang sa gawa. Ang paggamit ng karahasang sekswal bilang taktika sa sagupaan ay nagdudulot ng trauma hindi lang sa mga indibidwal ngunit sa kalakhan ng lipunan.

Dahil dito, kailangan nating pag-ibayuhin ang pagpapagal upang pangalagaan at itaguyod ang karapataan, dignidad at pamumuno ng kababaihan. Di tayo maaaring umatras, datapwa’t ipagpatuloy ang mabilis at pangmalawakang pagbabago.

Ang tema ng Pandaigidigang Araw ng Kababaihan sa taong ito ay, “Think Equal, Build Smart, Innovate for Change”. Hinihimok tayong baguhin ang imprastraktura, sistema at balangkas na sumusunod sa kulturang kumikiling sa kalalakihan. Kailangan tayong maghanap ng mga bagong paraan upang muling itayo ang ating lipunan para ito’y patas sa lahat. Ang mga babaeng pinuno sa larangan ng pagdidisenyo ng mga lungsod, transportasyon at pampublikong mga serbisyo ay makapaghuhusto sa sitwasyon ng mga babae, makapipigil sa karahasan, at makapagpapabuti ng kalidan ng buhay ng lahat.

Ito ay totoo rin sa hinaharap natin sa mundong digital. Ang inobasyon at teknologiya ay sumasalamin sa mga taong gumagawa nito. Ang di pagsali sa mga babae sa larangan ng syensiya, teknolohiya, pag-iinhinyero, matematika at disenyo ay dapat nating ikabahalang lahat.

Noong nakalipas na buwan, naroon ako sa Ethiopia, kung saan nakasama ko ang “African Girls Can Code,” isang inisyatiba na tumutulong magtulay sa “digital gender divide” at magsanay sa mga susunod na lider sa teknolohiya. Tuwang-tuwa akong makita ang sigla at sigasig ng mga batang babae. Ang mga programang gaya nito ay di lamang nagpapalago sa kakayahan; binabago rin nito ang estereotipo na sumasaklaw sa ambisyon ng mga batang babae.

Sa Pandaigidigang Araw ng Kababaihan, siguruhin natin na ang mga kababaihan at batang babae ay makapaghuhbubog ng mga polisiya, serbisyo at imprastraktura na makakaapekto sa ating buhay. Suportahan natin ang mga kababaihan at batang babae sa pagbubuwag ng mga hadlang sa paghuhubog ng mas mainam na mundo para sa lahat.

[Nagtatapos dito]

Mensahe ng UN Secretary-General sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan at Batang Babae sa Siyensia, 11 February 2019

Ang kasanayan sa siyensiya, teknolohiya, engineering at matematika ay mahalaga sa inobasyon at higit na kailangan upang makamit ang Sustainable Development Goals.

Ang kababaihan at batang babae ay lubos na mahalaga sa mga larangang ito, subali’t di sapat ang kumakatawan sa bilang nila.

Mga nakagawiang pagtingin sa kasarian, kakulangan ng mga idolo, at mga sumasagkang polisiya at kondisyon ay pumipigil sa mga kababaihan na kumuha ng mga karerang nabanggit.

Hindi maaaring ipagwalangbahala ng mundo ang maiaambag ng kalahati ng ating populasyon.

Kailangan tayong magtulong-tulong upang supilin ang mga ganitong balakid.

Kailangan nating gawan ng paraan ang mga maling pagtingin sa kakayahan ng kababaihan.

Kailangan nating bigyang daan ang kababaihan at mga batang babae, lalo na sa kanayunan, sa mga oportunidad upang matuto

At kailangan nating pagibayuhin pa ang pagpapagal upang palitan ang kultura sa lugar ng empleyo upang ang mga kababaihan na nangangarap na maging siyentipiko, inhinyero at mathematician ay matulungang abutin ang kanilang mithiin.

Siguruhin natin na bawat babae, sa lahat ng lugar, ay may pagkakataong maabot ang kanyang pangarap, maging mas matatag, at nakakapag-ambag sa isang likas-kayang kinabukasan para sa lahat.

 

Panawagan Mula sa Bagong Secretary-General ng United Nations Para sa Kapayapaan

1 Enero 2017, New York

Sa aking unang araw bilang Secretary-General ng United Nations, isang tanong ang nagpapabigat sa aking puso.

Paano natin matutulungan ang milyun-milyong tao na nadaramay sa hidwaan, at lubos na naghihirap sa mga digmaan na parang walang katapusan?

Ang mga sibilyan ay pinupulbos ng nakamamatay na pwersa. Mga kababaihan, kabataan, at kalalkihan ay namamatay at nasusugatan, pinapaalis sa kanilang tahanan, at iniiwang walang-wala. Kahit mga ospital at tagapagdala ng tulong ay di ligtas.

Walang panalo sa mga digmaang ito; lahat ay talo. Trilyong dolyar ang ginugugol upang sirain ang mga lipunan at ekonomiya, na nagdudulot ng takot at kawalang-tiwala na nagtatagal ng ilang henerasyon. Buong mga rehiyon ang nanganganib na madurog at tayong lahat ay apektado ng bagong banta ng terorismong pandaigdiagan.

Sa Bagong Taon, hinihikayat ko kayong lahat na samahan ako sa aking panata:

Pagsumikapan nating unahin ang kapayapaan.

Nawa’y gawin natin ang 2017 na isang taon kung saan lahat tayo—mamamayan, pamahalaan, lider—ay magsusumikap na isantabi ang ating mga pagkakaiba.

Mula sa pakikiisa at pakikidalamhati sa ating pang-araw-araw na buhay patungo sap ag-uusap at respeto sa kabila ng pagkakaiba sa pulitika. Mula sa tigil-putukan sa lugar ng digmaan patungo sa pagbibigayan sa negosasyon upang marating ang mga solusyong political.

Dapat ay kapayapaan ang ating layunin at patnubay.

Lahat ng pinagsusumikapan natin bilang bahagi ng lipunan—dignidad at pag-asa, kaunlaran at prosperidad—ay nangangailangan ng kapayapaan.

At ang kapayapaang ito ay nakaatang sa atin.

Nananawagan ako sa inyong lahat na samahan ako sa pangakong patatagin ang kapayapaan, ngayon at sa bawat araw.

Gawin nating taon ng kapayapaan ang taong 2017.

Salamat.

Panawagan Para sa Kapayapaan ng Bagong Secretary-General ng United Nations

1 Enero 2017, New York

Sa aking unang araw bilang Secretary-General ng United Nations, isang tanong ang nagpapabigat sa aking puso.

Paano natin matutulungan ang milyun-milyong tao na nadaramay sa hidwaan, at lubos na naghihirap sa mga digmaan na parang walang katapusan?

Ang mga sibilyan ay pinupulbos ng nakamamatay na pwersa. Mga kababaihan, kabataan, at kalalkihan ay namamatay at nasusugatan, pinapaalis sa kanilang tahanan, at iniiwang walang-wala. Kahit mga ospital at tagapagdala ng tulong ay di ligtas.

Walang panalo sa mga digmaang ito; lahat ay talo. Trilyong dolyar ang ginugugol upang sirain ang mga lipunan at ekonomiya, na nagdudulot ng takot at kawalang-tiwala na nagtatagal ng ilang henerasyon. Buong mga rehiyon ang nanganganib na madurog at tayong lahat ay apektado ng bagong banta ng terorismong pandaigdiagan.

Sa Bagong Taon, hinihikayat ko kayong lahat na samahan ako sa aking panata:

Pagsumikapan nating unahin ang kapayapaan.

Nawa’y gawin natin ang 2017 na isang taon kung saan lahat tayo—mamamayan, pamahalaan, lider—ay magsusumikap na isantabi ang ating mga pagkakaiba.

Mula sa pakikiisa at pakikidalamhati sa ating pang-araw-araw na buhay patungo sap ag-uusap at respeto sa kabila ng pagkakaiba sa pulitika. Mula sa tigil-putukan sa lugar ng digmaan patungo sa pagbibigayan sa negosasyon upang marating ang mga solusyong political.

Dapat ay kapayapaan ang ating layunin at patnubay.

Lahat ng pinagsusumikapan natin bilang bahagi ng lipunan—dignidad at pag-asa, kaunlaran at prosperidad—ay nangangailangan ng kapayapaan.

At ang kapayapaang ito ay nakaatang sa atin.

Nananawagan ako sa inyong lahat na samahan ako sa pangakong patatagin ang kapayapaan, ngayon at sa bawat araw.

Gawin nating taon ng kapayapaan ang taong 2017.

Salamat.

 

Mensahe ng Secretary-General para sa World Humanitarian Day, 19 August 2016

Profile-Picture

May isang daan at tatlumpung milyong katao ngayon ang umaasa sa makataong ayuda, o humanitarian assistance. Kapag pinagsama-sama ang mga ito, ang mga taong nangangailangan ng ganitong uri ng tulong ay sing-dami na ng ikasampung pinaka-mataong bansa sa mundo.

Ang mga datos na ito ay tunay na kahindik-hindik, subalit maliit na bahagi lamang ito ng buong kuwento. Di makikita sa mga istatistika ang mga indibidwal, mga pamilya, at mga komunidad na pinagsakluban ng kamalasan sa buhay. Sila ay di naiiba sa iyo o sa akin: mga bata, kababaihan, kalalakihan na nahaharap sa mahirap at imposibleng pagpipili araw-araw. Sila ay mga magulang na kailangang mamili kung pagkain ba o gamot ang bibilhin para sa kanilang mga anak; mga anak na kailangang mamili kung mag-aaral ba sila o tutulong sa pagsuporta sa kanilang pamilya; mga pamilya na napapagitna sa panganib ng bomba sa tinutuluyan o sa panganib ng haharapin sa pagtakas sa karagatan.

Ang kasagutan sa mga krisis na naglagak sa mga tao sa nakakawalang-pagasang paghihirap ay hindi simple o madali. Subalit may maaari tayong gawin–ngayon at araw-araw. Kaya nating magpakita ng pakikidalamhati, maaari tayong makiisa sa mga lumalaban sa kawalan ng hustisya, at pwede tayong mag-ambag tungo sa pagbabago.

Ang World Humanitarian Day ay taunang pagpapaalala sa pangangailangang kumilos upang maibsan ang matinding kahirapan. Ito ay pagkakataon rin upang bigyang pugay ang mga humanitarian workers at volunteers na nangunguna sa pagharap sa mga krisis. Nagbibigay pugay ako sa mga kababaihan at kalalakihan na walang-sawang humaharap sa panganib upang tumulong sa kapwa nilang nahaharap sa mas matindi pang panganib.

Ngayon, inaanyayahan ko ang lahat na sumali sa kampanyang “World You’d Rather,” o “Sana Ganito ang Mundo” ng United Nations. Maliban sa pagpapalawak ng kaalaman at pagpapaigting ng pakikiisa, ang kampanyang ito ay naglalayon na lumikom ng pera para sa Central Emergency Fund ng UN at hikayatin ang mga indibidwal na maging “Messengers of Humanity.” Dapat lahat ng tao ay maghikayat sa kani-kanilang pamahalaan na unahin ang kapakanan ng sangkatauhan.

Mga ilang buwan lang ang nakakaraan, may siyam na libong katao ang nagtipon-tipon sa Istanbul upang dumalo sa kauna-unahang World Humanitarian Summit. Nangako ang mga lider ng bansa na aayusin ang buhay ng mga taong apektado ng hidwaan, kalamidad, disgrasya, at matinding kahinaan. Sinuportahan nila ang Agenda for Humanity at ang pangako nitong walang sinuman ang maiiwan.

Ang pangakong ito ay sinasapuso rin ng Sustainable Development Goals. Sa pagtutok nito sa karapatang pantao, sa kakayahang makabangon sa disgrasya, at sa pagwakas sa kahirapan, ang labing-pitong layuning ito ay tumatayo bilang plano sa susunod na labing-limang taon upang mabawasan ang mga pangangailangan at kahinaan, at upang maitaguyod ang isang mundo na puno ng kapayapaan, dignidad at oportunidad para sa lahat. Maipapatupad natin ang pinag-isang paglalakbay na ito kung bawat isa ay mag-aambag. Ang bawat isa sa atin ay may magagawang kabutihan. Sa araw na ito, ang World Humanitarian Day, tayo ay magsama-sama sa ngalan ng sangkatauhan at ipakita na walang isa mang tao ang maiiwanan.

Mensahe ng UN Secretary-General sa Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo, 9 August 2016

ScreenHunter_753 Aug. 09 09.51Ang 2030 Agenda for Sustainable Development  na sinangayunan ng mga lider ng bansa nang taong nakaraan ay naka-base sa prinsipyo na walang dapat maiwan sa pagtahak natin patungo sa mundo ng may kapayapaan at dignidad, oportunidad at kasaganaan. Ang mga katutubo ay isa sa mga grupong madalas mapag-iwanan.

Ang mga katutubo ay nahaharap sa napakaraming hamon, tulad ng diskriminasyon, pag-angkin sa kanilang lupain at karapatan sa lupa, at kakulangan ng natatanggap na serbisyo publiko. Nahaharap din ang mga katutubo sa paglibak sa kanilang katauhan bilang katutubo, sa kawalan ng respeto at pagkilala sa kanilang ambag at kasaysayan, na kitang-kita sa mga aklat aralin at iba pang basahing pang-edukasyon. Ang pagtuturo ay ginagawad sa lengwaheng pambayan, at walang pagkilala sa mga lengwaheng katutubo.

Matindi ang kinahitanan nito. Sa buong mundo, ang mga batang katutubo ay  nagtatapos sa high school na may gradong higit na mababa sa karaniwan. Sa ilang bansa, kulang sa 40 porsiyento ng mga batang katutubo ang nakapagaaral nang tuloy-tuloy. Kakaunti ring batang katutubo ang nakakatapos ng high school. Hindi ito katanggap-tanggap. Hindi natin makakamit ang Sustainable Development Goals kung hindi natin haharapin ang mga pangangailanan sa pag-aaral ng mga katutubo.

Sa mga nakaraang dekada, marami na ring naabot ang mundo sa pagsusulong sa mga karapatan ng katutubo. May tatlong mekanismo na itinatag ang United Nations upang paunlarin ang kanilang kapakanan: ang Permanent Foum on Indigenous Issues; and Special Rapporteur on the Rights of Indigenous Peoples; at ang Expert Mechanism on the Rights of Indigenous Peoples. Nariyan ang Deklarasyon ng United Nations patungkol sa mga Karapatan ng Katutubo na pinagtibay ng General Assembly noong ika-13 ng Setyembre 2007. Ang Deklarasyong ito ang basehan ng pagkilala, pagsusulong, at proteksyon ng mga karapatan ng katutubo.

Noong Setyembre 2014, pinagtibay ng unang World Conference on Indigenous Peoples ang isang dokumentong naglalaman ng mga aksyon upang maipatupad ang Deklarasyon patungkol sa mga Karapatan ng Katutubo. Dahil dito, mayroon tayo ngayong UN System Wide Action Plan upang maisulong ang kaalaman at aksyon tungo sa implementasyon ng Deklarasyong ito ng UN, lalong lalo na sa pambansang antas.

Sa Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo sa Mundo, tinatawagan ko ang lahat ng pamahalaan na gawing basehan ang Deklarasyong ito upang paigtingin ang karapatang mag-aral ng mga katutubo at upang bigyang halaga ang kultura at karanasan ng mga katutubo sa paaralan. Pagtulungan nating siguraduhin na ang mga katutubo ay di maiiwan sa pagtahak natin patungo sa adhikain ng Sustainable Development Goals.

Maaring ma-download ang UN System Wide Action Plan sa:  http://bit.ly/1ruOgrs

ScreenHunter_754 Aug. 09 09.56