Ang pagkakapantay-pantay nang walang pagtatangi ayon sa kasarian, at ang mga karapatan ng kababaihan ay pangunahin sa pagtamo ng pag-unlad sa larangan ng kapayapaan at seguridad, karapatang pantao, at sustainable development.
Sa nakaraang dekada, nagkaroon na ng pagbabago at pag-unlad sa karapatan ng kababaihan at pamumuno sa ilang larangan. Subalit ang mga pakinabang na ito ay di pa kumpleto o pare-pareho sa lahat ng lugar. Matinding sumasalungat na nga ang patriyarka dito.
Ang pagkakapantay-pantay ayon sa kasarian ay problema na may kinalaman sa kapangyarihan. Ang ating mundo ay pinamumunuan pa rin ng kalalakihan. Kailangang tignan natin ang karapatan ng kababaihan bilang layunin ng lahat; kung hindi nungkang magbabago ang sistema sa mundo.
Ang pagpaparami ng mga namumunong kababaihan ay napakahalaga. Sa United Nations, ginawa ko itong personal at kagyat na prayoridad. Ngayon, magsindami na ang kababaihan at kalalakihan na namumuno sa aming mga koponan sa mundo. Pinakamarami na ngayon ang kababaihan na namumuno sa UN. Patuloy naming palalawakin pa ang pagsulong na ito.
Gayunpaman, nahaharap pa rin ang kababaihan ng malaking balakid sa paggamit ng kapangyarihan. Ayon sa World Bank, anim na bansa lamang sa mundo ang nagbibigay ng pantay na karapatang legal sa mga larangang nakakaapekto sa kanilang hanap-buhay. At kung magpapatuloy ang ganitong patakaran, kakailanganin natin ng 170 taon upang maging pantay ang kababaihan at kalalakihan sa larangan ng ekonomiya.
Mga polisiyang nasyonalista, papyulista at paghihigpit ay nakakaragdag sa di-pagkakapantay-pantay ng mga kasarian dahil sa mga polisiya na nagbabawas sa karapatan ng kababaihan at sa mga serbisyong panlipunan. Sa ibang mga bansa, habang nababawasan ang pagpatay sa tao, nadaragdagan naman ang bilang nga mga babaeng napapatay.
Sa ilang mga bansa, nakikita natin ang pagbawi sa mga legal na proteksyon laban sa karahasan sa tahanan o sa female genital mutilation.
Alam natin na ang pakikilahok ng kababaihan ay nagpapatibay sa mga kasunduang pangkapayapaan. Gayunpaman kahit mga pamahalaan na tahasang sumusuporta dito ay puro salita, kulang sa gawa. Ang paggamit ng karahasang sekswal bilang taktika sa sagupaan ay nagdudulot ng trauma hindi lang sa mga indibidwal ngunit sa kalakhan ng lipunan.
Dahil dito, kailangan nating pag-ibayuhin ang pagpapagal upang pangalagaan at itaguyod ang karapataan, dignidad at pamumuno ng kababaihan. Di tayo maaaring umatras, datapwa’t ipagpatuloy ang mabilis at pangmalawakang pagbabago.
Ang tema ng Pandaigidigang Araw ng Kababaihan sa taong ito ay, “Think Equal, Build Smart, Innovate for Change”. Hinihimok tayong baguhin ang imprastraktura, sistema at balangkas na sumusunod sa kulturang kumikiling sa kalalakihan. Kailangan tayong maghanap ng mga bagong paraan upang muling itayo ang ating lipunan para ito’y patas sa lahat. Ang mga babaeng pinuno sa larangan ng pagdidisenyo ng mga lungsod, transportasyon at pampublikong mga serbisyo ay makapaghuhusto sa sitwasyon ng mga babae, makapipigil sa karahasan, at makapagpapabuti ng kalidan ng buhay ng lahat.
Ito ay totoo rin sa hinaharap natin sa mundong digital. Ang inobasyon at teknologiya ay sumasalamin sa mga taong gumagawa nito. Ang di pagsali sa mga babae sa larangan ng syensiya, teknolohiya, pag-iinhinyero, matematika at disenyo ay dapat nating ikabahalang lahat.
Noong nakalipas na buwan, naroon ako sa Ethiopia, kung saan nakasama ko ang “African Girls Can Code,” isang inisyatiba na tumutulong magtulay sa “digital gender divide” at magsanay sa mga susunod na lider sa teknolohiya. Tuwang-tuwa akong makita ang sigla at sigasig ng mga batang babae. Ang mga programang gaya nito ay di lamang nagpapalago sa kakayahan; binabago rin nito ang estereotipo na sumasaklaw sa ambisyon ng mga batang babae.
Sa Pandaigidigang Araw ng Kababaihan, siguruhin natin na ang mga kababaihan at batang babae ay makapaghuhbubog ng mga polisiya, serbisyo at imprastraktura na makakaapekto sa ating buhay. Suportahan natin ang mga kababaihan at batang babae sa pagbubuwag ng mga hadlang sa paghuhubog ng mas mainam na mundo para sa lahat.
[Nagtatapos dito]