Mga nag-aaklas para sa klima, inspirasyon para sa susunod na pagpupulong ng UN

Sinulat ni Antonio Guterres

Ika-15 ng Marso 2019

Salin ng UNIC Manila mula sa Ingles*

Libu-libong kabataan ang tumungo sa mga lansangan noong Biyernes upang ipahatid sa mga lider ng bansa ang mensaheng ito: kumilos na kayo upang sagipin ang ating mundo at kinabukasan laban sa climate change.

Naiintindihan ng mga kabataang ito ang isang bagay na di makuha ng mga nakatatanda: tayo ay nakikipagkarera para sa ating buhay, at tayo ay natatalo. Ang pagkakataong makaungos sa karerang ito ay mabilis na nauubos. Di tayo maaaring magpatumpik-tumpik pa. Ang pagpapaliban sa aksyon para sa klima ay mas peligroso kaysa sa pagtanggi dito.

Bigo ang aking henerasyon na gawan ng solusyon ang climate change. Ito ay dama ng mga kabataan kaya nga sila ay nagagalit.

sa kabila ng ilang taon ng pag-uusap at pagpupulong, ang binubuga nating greenhouse emissions ay pinakamataas ngayon at di humuhupa. Ang nakaraang apat na taon ang pinakamainit sa kasaysayan. Sa nakalipas na 50 taon, ang temperatura sa Arctic ay tumaas nang 3-4 antas sentigrado. Ang lalim ng ating karagatan ay tumataas, nagkakamatayan ang ating mga koral, at naguumpisa na nating makita ang kahilahilakbot na tama ng climate change sa ting kalusugan, dahil sa polusyon, matinding init at banta sa tuluyang pagkakaroon ng pagkain.

Salamat na lamang at nariyan ang Paris agreement–isang mapangarapin at pasulong na balangkas na nagsasaad ng dapat nating gawin upang pigilin ang pagkasira dulot ng klima at salungatin ang mga epekto nito. Subalit ang Paris agreement ay walang-saysay kung walang pagkilos.

Ito ang dahilan kung bakit pupulungin ko ang mga lider ng bansa sa isang climate action summit ngayong taon. Tinatawagan ko ang mga lider na tumungo sa New York sa Setyembre, bitbit ang mga konkreto at makatotohanang mga plano upang mapaigting ang kanilan nationally determined contributions pagsapit ng 2020, ayon sa layuning bawasan nang 45% ang ating green house gas emissions pagsapit ng susunod na dekada, at gawing net zero pagdating ng 2050.

Pagsasamahin sa summit na ito ang mga estado, pribadong sektor, civil society, lokal na awtoridad, at mga samahang pandaigdigan upang makalimbag ng mga ambisyosong solusyon sa an im na larangan: renewable energy; emission reductions; sustainable infrastructure; sustenableng agrikultura at pamamahala sa kagubatan at karagatan; paglaban sa tama ng klima; at pamumuhunan sa green economy.

Ayon sa mga mga pinakabagong pagsusuri, kung kikilos tayo ngayon mapapababa nating ang carbon emissions sa loob ng 12 taon at di na hihigit sa 1.5C ang global warming. Subalit kung magpapatuloy tayo sa nakagawian, ang kahihinatnan natin ay mahirap na mahulaan.

Ang paglaban sa climate change ay mahalaga para sa ating buhay, ngunit mayroon din itong kaakibat na halaga. Hindi maaaring ang pagkilos ay magresulta sa pagkatalo para sa ilan, o di pagkakapantay-pantay sa ekonomiya. Kailangang patas ang pagkilos at magbunga ng oportunidad para sa mga tatamaan habang patungo tayo sa pagbabago.

Kaakbay natin ang negosyo. Ang mabilisang pagharap sa climate change ay makapagpapalakas sa ating mga ekonomiya at makapaglilkha ng trabaho, habang nililinis ang ating hangin, pinananatili ang ating biodiversity, at pinangangalagaan ang ating kapaligiran.

Ang mga bagong teknolohiya at solusyong inhinyero ay nakalilikha na ng enerhiya na mas mura kaysa sa enerhiyang galing sa krudo. Ang enerhiyang nagmumula sa araw at hangin ay siyang pinakamurang pinagmumulan ng malakihang pinagkukunan ng enerhiya sa halos lahat ng malalaking ekonomiya ngayon. Ngunit kailan pa ring tayo ang magpasimuno sa radikal na pagbabago.

Kinakailangang alisin na natin ang mga subsidiya na pumapabor sa krudo at sa uri ng agrikultura na malakas gumamit ng krudo at lumipat na sa renewable energy, mga sasakyang tumatakbo sa kuryente, at mga gawi na tinatawag na climate-smart. Kinakailangan din nating bigyan ng kaukulang presyo ang binubuga nating karbon. At kinakailangan nating pabilisin ang pagsasara sa mga planta ng karbon at palitan ang mga trabaho ng mas maiging alternatibo upang ang pagbabago ay makatarungan, ingklusibo at kapakipakinabang.

Sumisigla na ang pagkilos, nakikinig na ang mga tao, at mayroon nang bagong pagpupuniyagi upang ipakita ang mga posibilidad sa Paris agreement. Ang climate summit ang umpisa sa pagtatayo ng kinabukasan na gusto nating lahat.

Magtatapos ako sa pamamagitan ng isang mensahe sa mga nag-aklas noong Biyernes. Alam ko na kaya ng kabataan na baguhin ang mundo.

Marami sa inyo ang nababahala at natatakot sa kinabukasan, at naiintindihan ko ang inyong mga alalahanin at galit. Subalit alam ko rin na maraming pwedeng maabot ang sangkatauhan. Ang mga boses niyo ay nagbibigay sa akin ng pagasa.

Habang namamalas ko ang inyong pagkilos at pangako, lalong napapalagay ang loob ko na tayo ay magwawagi. Tulong-tulong, at sa pamamagitan ng inyong ayuda, makakayanan nating talunin ang bantang ito at lumikha ng mas malinis at mas ligtas na mundo para sa lahat.

Si Antonio Guterres ang secretary-general ng United Nations

*Ang op-ed na ito ay isinulat sa Ingles, na may titulong, “The climate strikers should inspire us all to act at the next UN summit,” at inilathala ng The Guardian noong ika-15 ng Marso, 2019.

Basahin ang op-ed na ito sa Ingles.