Mensahe ng Secretary-General para sa World Humanitarian Day, 19 August 2016

Profile-Picture

May isang daan at tatlumpung milyong katao ngayon ang umaasa sa makataong ayuda, o humanitarian assistance. Kapag pinagsama-sama ang mga ito, ang mga taong nangangailangan ng ganitong uri ng tulong ay sing-dami na ng ikasampung pinaka-mataong bansa sa mundo.

Ang mga datos na ito ay tunay na kahindik-hindik, subalit maliit na bahagi lamang ito ng buong kuwento. Di makikita sa mga istatistika ang mga indibidwal, mga pamilya, at mga komunidad na pinagsakluban ng kamalasan sa buhay. Sila ay di naiiba sa iyo o sa akin: mga bata, kababaihan, kalalakihan na nahaharap sa mahirap at imposibleng pagpipili araw-araw. Sila ay mga magulang na kailangang mamili kung pagkain ba o gamot ang bibilhin para sa kanilang mga anak; mga anak na kailangang mamili kung mag-aaral ba sila o tutulong sa pagsuporta sa kanilang pamilya; mga pamilya na napapagitna sa panganib ng bomba sa tinutuluyan o sa panganib ng haharapin sa pagtakas sa karagatan.

Ang kasagutan sa mga krisis na naglagak sa mga tao sa nakakawalang-pagasang paghihirap ay hindi simple o madali. Subalit may maaari tayong gawin–ngayon at araw-araw. Kaya nating magpakita ng pakikidalamhati, maaari tayong makiisa sa mga lumalaban sa kawalan ng hustisya, at pwede tayong mag-ambag tungo sa pagbabago.

Ang World Humanitarian Day ay taunang pagpapaalala sa pangangailangang kumilos upang maibsan ang matinding kahirapan. Ito ay pagkakataon rin upang bigyang pugay ang mga humanitarian workers at volunteers na nangunguna sa pagharap sa mga krisis. Nagbibigay pugay ako sa mga kababaihan at kalalakihan na walang-sawang humaharap sa panganib upang tumulong sa kapwa nilang nahaharap sa mas matindi pang panganib.

Ngayon, inaanyayahan ko ang lahat na sumali sa kampanyang “World You’d Rather,” o “Sana Ganito ang Mundo” ng United Nations. Maliban sa pagpapalawak ng kaalaman at pagpapaigting ng pakikiisa, ang kampanyang ito ay naglalayon na lumikom ng pera para sa Central Emergency Fund ng UN at hikayatin ang mga indibidwal na maging “Messengers of Humanity.” Dapat lahat ng tao ay maghikayat sa kani-kanilang pamahalaan na unahin ang kapakanan ng sangkatauhan.

Mga ilang buwan lang ang nakakaraan, may siyam na libong katao ang nagtipon-tipon sa Istanbul upang dumalo sa kauna-unahang World Humanitarian Summit. Nangako ang mga lider ng bansa na aayusin ang buhay ng mga taong apektado ng hidwaan, kalamidad, disgrasya, at matinding kahinaan. Sinuportahan nila ang Agenda for Humanity at ang pangako nitong walang sinuman ang maiiwan.

Ang pangakong ito ay sinasapuso rin ng Sustainable Development Goals. Sa pagtutok nito sa karapatang pantao, sa kakayahang makabangon sa disgrasya, at sa pagwakas sa kahirapan, ang labing-pitong layuning ito ay tumatayo bilang plano sa susunod na labing-limang taon upang mabawasan ang mga pangangailangan at kahinaan, at upang maitaguyod ang isang mundo na puno ng kapayapaan, dignidad at oportunidad para sa lahat. Maipapatupad natin ang pinag-isang paglalakbay na ito kung bawat isa ay mag-aambag. Ang bawat isa sa atin ay may magagawang kabutihan. Sa araw na ito, ang World Humanitarian Day, tayo ay magsama-sama sa ngalan ng sangkatauhan at ipakita na walang isa mang tao ang maiiwanan.